Monday, June 5, 2017

GUHIT PINAS Artist of the Month- June 2017




ARTIST OF THE MONTH
JESSICA LOPEZ aka LADY FISHBONE 
Hometown: Baguio City 
Currently based: Pangasinan 
Birthdate: Sept. 17, 1992

Ang hilig ko sa art ay nagsimula noong ako ay Grade 1 pa lamang, year 2000. Sumali ako sa art club noon sa aming paaralan at sa mga art events kahit hindi ako sinasamahan ng guardian ko. Sumasali ako sa mga art contest sa elementarya, hayskul, hanggang kolehiyo. Minsan nanalo, minsan din natatalo. Ang mahalaga lang para sa'kin noon ay ang makasali.

Kumuha ako ng Bachelor of Secondary Education sa Benguet State University ngunit hindi ko ito natapos. Nahinto ako ng tatlong taon at sa pagkakataong makapag-aral ulit kumukuha ako sa kasalukuyan ng Business Administration sa Pangasinan State University-Lingayen Campus.

Noong college, sumali ako sa “The Mountain Collegian”, school publucation ng BSU, bilang isang cartoonist upang maipagpatuloy ko sana ang pagguhit, pero tutol ang guardian ko kaya napilitan akong iiwan 'to. Nalungkot ako nang sobra dahil mahal ko ang publication na naging pamilya na para sa’kin.

Upang ipagpatuloy ang hilig sa art, gumawa ako ng blog kung saan pino-post ko ang mga gawa ko. Dahil sa blog, may nagpa-commission sa’kin na taga-Norway, si Ate Ligaya. Hindi ko makakalimutan yun. Simula noon na-inspire ako na pagbutihin pa lalo. Kung anu-anong eksperimento ang ginawa ko sa sining; portraiture, acrylic on paper and canvas, mural, naging art speaker at art facilitator. May mga maliliit na projects din na dumating.

FISHBONE

Hanggang sa October 2014, nakasama akong mag-facilitate sa isang art workshop sa Lagawe, Ifugao “1st Youth Art Camp in Lagawe”. Sa hindi inaasahang pagtuklas, habang nanananghalian (ang ulam ay gulay at tilapia), sabi ng isang teacher, marami raw siyang natutunan sa art mula sa'min kaya siya naman daw ang may ituturo sa'min.

Sa tinik ng isda ay may hugis isda daw. Duda pa nga ako noong una kung mayro’n ba talaga, pero nang makita ko na mayro’n pala talaga ay namangha ako. Ang tagal kong tinitigan ‘yung tinik at napaisip ako kung pwede ko ba itong gawing art. Simula noon hindi na naalis ang tinik sa isip ko. Pinag-eksperimentuhan ko ang proseso hanggang sa mabuo na ang FISHBONE ART.

KULANG SA SUPORTA

Lumaki ako sa pinsan ko na siyang nag-alaga sa akin mula tatlong taong gulang ako hanggang ako ay magkolehiyo. Napakahirap para sa akin na palaguin ang hilig ko sa sining dahil kulang ako sa suporta. Hanggang sa taong 2016, bumalik sa buhay ko ang tatay ko. Nang malaman niya ang tungkol sa FISHBONE ART na ginagawa ko, sinuportahan niya agad. Siya ang kumukuha ng mga supply ko ng tinik sa mga nagtitinda ng “boneless bangus” sa Dagupan City dito sa Pangasinan. Hinihikayat niya ako na gumawa lang nang gumawa kahit hindi ko naman alam sa’n patungo ang mga ginagawa ko at kahit hindi raw ako nakakabenta. “Malay mo, 'yan pala ang magpapa-angat sa’yo, anak, balang araw basta ituluy-tuloy mo lang ‘yan” sabi niya sa'kin. Ang mga kaibigan ko naman, masaya rin sa kung ano ang ginagawa ko.

INSPIRASYON AT PANGARAP

Marami na rin ako’ng nasubukan tulad ng portraiture (graphite, colored pencil, charcoal), caricatures, murals, at abstract. Pero ang wagi sa puso ko ay ang abstract dahil para sa akin may kakaibang mensahe ang mga abstract art na hindi agad nakikita.

Ang ispirasyon ko sa mga sinaunang artists ay si Vincent Van Gogh, pero sa kasalukuyan, ang mga gawa ni Sam Penaso at Don Bryan Bunag ang bumibighani sa'kin. Ang mga obra nila ay nagbibigay inspirasyon na tumatagos sa’kin; kapag nakikita ko ang mga ito, talagang humahanga ako.

Pangarap kong makatapos ng pag-aaral. Bukod diyan sana dumating ang time na makakabenta na ako, at magkaroon ng sariling tahanan ang mga obra ko. Hangad ko na lalo pa akong lumago sa sining at sa landas na tinahak ko.

BUNGA NG PAGSISIKAP

Maraming mga competitions na ang nasalihan ko, kabilang ang poster at slogan making. May mga awards din na natanggap kahit papano. Ang mga sumusunod naman ay napanalunan ko sa labas ng paaralan:

- SEMI FINALIST, Metrobank Art and Design Excellence 2016
- HONORABLE MENTION, Art Residency Competition For Korea 2016
- FINALIST, Philippines Painting Contest 2013

Bukod sa pagsali ng contest, sumasali din ako sa mga group exhibits. Nasubukan ko na ring magbigay ng art talk, maging facilitator ng art workshop, at ma-feature sa ABS-CBN North Central Luzon. Ang lahat ng mga karanasang ito ay babauin ko sa paglalakbay ko sa larangan ng matinik pero masayang sining.

IBA PANG HILIG

Nasa puso ko rin ang mobile photography. Sa sobrang hilig nga, minsan na rin akong napabilang sa mga photo contributors ng MANILA BULLETIN (Picture Perfect) sa column ni Mr. Raffy Paredes. Sumusulat din ako ng tula at sanaysay at sa sumasali sa mga writing contest.

MGA ARAL AT PAYO

Sa buhay ng isang artist, normal na ang maraming pagsubok. Naranasan ko na yung trophy ko nung nagchampion ako sa isang literary graphics contest ay hinampas at sinira, at mga gamit ko (drawing paper, mga artworks, pintura at mga brush) ay tinapon at ang iba ay sinunog. Nakakadurog ng puso ang mga pangyayaring iyon. May mga pagkakataon din na makakarinig ako ng pangmamaliit at yung madalas sabihin ng ina na walang magandang buhay na maibibigay ang sining, hindi ako magaling na artist, at itigil mo na ‘yan kasi wala kang mapapala diyan.

Sa tuwing maalala ko ang mga hindi magagandang pangyayari, nararamdaman ko pa rin ang sakit, pero kailangan pagbutihan at patunayan na mali sila. Maaring ang FISHBONE ART ay hindi tulad ng commercial art na madaling mabenta at kumita pero mananatili itong iba. Yayakapin ko ito nang buong puso at pauunlarin pa. Bahala na ang Diyos kung saan niya ako dalhin. Itinataas ko na lamang sa kanya, dahil ano man ang maging plano ko, ang kaniyang kamay pa rin ang kikilos sa aking buhay.

Lahat tayo ay may pagkakaiba-iba. Iangan natin kung ano ang bukod tanging taglay ng bawat isa upang makaambag sa larangan ng sining. Huwag tayong matakot maging iba; hindi natin kailangan sumabay sa uso. Mahirap maging artist, totoo yan. Minsan natanong ko na rin sa sarili ko: Kailangan ko pa bang ituloy ito? Magiging successful artist ba ako? Ang sagot diyan ay depende kung paano ako magsisikap at papalawakin ang kaalaman. Kaya ang pinaka-payo ko sa lahat: "BE YOURSELF”.


https://www.facebook.com/photo.php?fbid=10207048867578715&set=gm.2058657664365106&type=3&theater

No comments:

Post a Comment